0

Puwedeng gamitin ng gobyerno ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles bilang state witness sa mga pork barrel cases kung ibubulgar niyang sangkot ang mga dating opisyal ng gobyerno, ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.

Sinabi ni Panelo na, kung lalabas na least guilty si Napoles at hindi utak ng PDAF scam, puwede itong magamit bilang state witness ng gobyerno laban sa mga kinasuhan at kakasuhan sa PDAF scam.

Ayon kay Panelo, suportado din ng kanyang tanggapan ang desisyon ng Office of the Solicitor General na hilinging iabsuwelto si Napoles sa illegal detention case na isinampa laban dito ng pinsan nitong si Benhur Luy.




Idinagdag ni Panelo na pinag-aralang mabuti ni Solgen Jose Calida ang kaso ni Napoles kaya hiniling nito sa Court of Appeals na ibasura ang naunang hatol dito kaugnay sa illegal detention case na isinampa ni Luy sa Makati Regional Trial Court kung saan ay naha­tulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Napoles.

Nilinaw din ni Pane­lo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging hakbang na ito ng OSG.

Nilinaw ni Panelo na laging sumusunod ang administrasyon sa isinasaad sa batas sino man ang sangkot. Wala anyang kautusan ang Presidente sa anumang departamento kung ano ang dapat gawin.

Loading...
Ipinaliwanag pa ni Panelo na ang OSG ang opisinang nag-aral sa kaso at, kung irerekomenda nitong ipawalang-sala ang akusado, dapat silang sumunod dito.

Samantala, nanindigan ang OSG na nagkamali ang Makati court nang hatulan si Napoles sa illegal detention case nito na isinampa ni Luy kaya hiniling nila sa CA na pawalang-sala ito. 

Matatandaan, na noong Abril 2015, hinatulan ng Makati RTC Branch 150 ng hanggang 40-taong pagkakulong si Napoles at pinagbabayad din ito ng hukuman ng P100,000 bilang moral damages.


Sa ngayon ay nakakulong si Napoles sa Correctional Institution for Women sa  Mandaluyong City, samantala ang kapatid nitong si Jojo Lim na kasama sa kinasuhan ay nakakalaya pa.

Nakulong din dahil sa kasong Plunder ang tatlong senador na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na may kaugnayan sa pork-barrel fund, na gamit umano ang mga pekeng NGOs na ang beneficiaries ay si Napoles kapalit umano ng kanilang kickbacks.

Subalit, si Enrile ay nakalaya dahil sa edad nito habang sina Revilla at Estrada ay nakakulong ngayon sa Camp Crame.
Source: Philstar


Post a Comment

 
Top