0



Ngayon ay hindi na lang pera ang inilalabas ng mga automated teller machines o ATM dahil pati mga pizza ay puwede nang ma-‘withdraw’ mula sa mga ito.

Kaya naman masuwerte ang mga estudyante ng Xavier University sa Cincinnati, Ohio matapos mailagay sa kanilang campus ang kauna-unahang pizza ATM sa buong North America.

Ayon sa kompanyang gumagawa ng pizza ATM ay gumagana ang mga ito na katulad ng isang pangkaraniwang ATM. Pipili ang customer kung anong pizza ang kanyang gustong bilhin mula sa isang touchscreen. Pagkapili ay kukunin ng ATM ang napili mula sa 70 pizza na nasa loob nito at saka papainitin ng ilang minuto. Kapag mainit na ang pizza ay ilalagay ito ng makina sa isang kahon at saka iluluwa.

Nasa $10 (katumbas ng higit sa P450) ang presyo ng isang pizza mula sa mga kakaibang ATM na ito. Masarap naman daw ang lasa ng mga pizza mula sa ATM ayon sa marketing director ng Xavier University na si Jennifer Paiotti kahit pa lumaki siya sa mga masasarap na pizza ng New York City.

Bagama’t kauna-unahan sa North America ang pizza ATM na inilagay sa Ohio, matagal nang may pizza ATM sa Europe kung saan madalas matatagpuan ang mga ito sa mga maliliit na bayan at mga gasolinahan.

(Philstar).

Post a Comment

 
Top