0

Hinamon ngayon ng pamilya ni Senador Leila de Lima si Pangulong Rodrigo Duterte na "magpakalalaki" at gawing patas ang laban sa pagitan nila ng nasabing senadora.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mellen Ritchie Colarina, pamangkin ni De Lima , sinabi nitong masama ang loob nila sa pangulo dahil sa ginagawa nitong panggigipit umano sa mambabatas.



Aniya, kahit pa sinasabi ni Pangulong Duterte na may mga ebidensya ito ngunit wala aniya sa lugar ang pamemersonal nito na kahit sa harap ng publiko ay idinidiin ang naturang senador.

"Lahat ng sinasabi niya ay pawang pamemersonal lamang, kahit hindi sa tita ko, kahit yung ambassador ng Amerika. Kung magkataon kaya niya bang ipaglaban ang mga Pilipino? Marami ang naitulong ang Amerika sa Pilipinas. Maging patas lang siya. Magpakalalaki siya. Magpakalalaki siya," ani Colarina.


Ayon kay Colarina, hindi nila maiwasang mapamura dahil sa inaasal ngayon ni Duterte na malayo aniya sa ugali ng isang lider ng bansa.

Hindi rin naniniwala ang mga kamag-anak ng dating Justice secretray sa mga paratang ng pangulo na umano'y may relasyon ito sa kanyang driver dahil mabait at may dangal daw ang opisyal.

Kung maaalala, una nang nanawagan si De Lima sa pangulo na itigil na ang mga paninira nito dahil nadadamay na pati ang kanyang pamilya sa nasabing isyu.
Bumuwelta na rin si De Lima kay Duterte ng pag-abuso at maling paggamit sa kanyang executive power para sa personal na pag-atake sa kanya.

Sinabi ni Sen. De Lima, ang ginagawang paninira at pagwasak sa kanya ni Duterte ay hindi malayong mangyari din sa ibang hindi susunod sa kanyang kagustuhan.
"This is no less than abuse and misuse of executive power. I don't think the Constitution has ever contemplated such abuse of power on such scale as it assures every President to conduct himself in a manner befitting the Office he holds. It seems this not the case for this President," wika pa ni De Lima. 

(Bomboradyo).

Post a Comment

 
Top