0

Nasa 11,000 pang mga overseas Filipino worker (OFW) ang nawalan ng trabaho at nananatili sa Gitnang Silangan matapos malugi at magsara ang kanilang mga pinapasukan kumpanya sa Saudi Arabia.

Ito ang inilabas ng tala ng tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office, Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) at ng Konsu­lado ng Jeddah matapos puntahan kamakailan ang tirahan ng isa sa mga kampo ng mga Pilipinong manggagawa na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa.

Ayon kay Welfare Officer Angel Cruz, mula taong 2015 ay umaabot sa 4,653 ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nakauwi na sa Pilipinas, 406 ang nagbakasyon at nagpasyang hindi na bumalik, 3,377 naman ang nalipat sa ibang kumpanya at 2,544 naman ang natitira pang OFWs na gusto ng umuwi o nais pang magtrabaho basta’t maibigay lamang ang natitirang suweldo.

Ayon kay Rodel Untalan, isang mason sa ­Jeddah Saudi Arabia, nagpapasalamat siya na isa sa mga pinasyalan ang kanilang kampo ng mga kawani ng POLO-OWWA sa Jeddah at inalam ang kanilang kalagayan dahil sa ilan sa kanila ay nawalan ng trabaho at hindi napasuweldo ng kanilang kumpanya.

Aniya sa kanilang grupo ay nasa 2,500 manggagawang Pinoy ang jobless at nasa isang kampo ­lamang sila at kung saan-saan lamang sila nagdedelehensya at nanghihingi ng pagkain.

“Tamang-tama po ang paghingi namin ng tulong sa kanila at nabigyang tugon po ang aming panga­ngailangan dito po sa aming pansamantalang tira­han,” sabi ni Rodel Untalan.

Sinabi pa nito na binigyan sila ng kaunting ­tulong at pinangakuang sila ay tutulungang makauwi sa ­Pilipinas sa lalong madaling panahon.

“Lahat po dito ay umaasang mapauwi na po kami habang maaga pa kasi hirap na hirap na po kami dito at ang mga pamilya po namin ay talagang nag-aalala na po sa amin,” dagdag pa ng OFW.

“Sa ating pong bagong Pangulo na si Rodrigo Roa Duterte, sana ay makarating po sa iyo ang ­aming panawagan na kami po ay matulungan ninyo dito sa ibang bansa, hindi lang po dito sa Jeddah, sa buong Saudi po. Pa­ngulo tulungan ninyo po kami” pana­wagan pa ni Untalan.

Si Untalan ay nasa sampung taon na itong nagtratrabaho sa Saudi Arabia.

Karamihan sa kanila ay mahigit limang buwan nang walang suweldo. Umaasa na lang sila sa mga tulong ng konsulado at ibang grupo para maitawid lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan nila.

Karamihan sa kanila ay walang exit visa at may unpaid salary pa ng limang buwan.

“Yung iba po ay nabigyan na ng exit visa. Hindi po lahat. Yung iba, puwede pa nating i-work-out sa management ng Saudi Binladen,” pahayag ni Angel Cruz ng Welfare Officer ng POLO-OWWA.

Sinabi ni Cruz na kabilang ang mga Pinoy sa mahigit 72,000 na iba’t ibang lahing trabahador na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia. “Patuloy pa po ang pagbibigay ayuda ng konsulado ng Jeddah sa mga natitira pang mga Pinoy sa Saudi Arabia” dagdag pa ni Cruz.

(Abante)

Post a Comment

 
Top