0
ISANG lalaki sa United Kingdom ang bumuo ng isang dambuhalang computer sa kanyang silid para lang sa paglalaro ng video game na Tetris.

Noong 2012 pa sinimulan ni James Newman ang pagtatayo ng supercomputer na may sukat na 33 talampakan ang lapad at anim na talampakan ang taas. Nagtataglay ito ng 40,000 transistors at 10,000 LED na bumbilya.

Ginastusan ito ni Newman ng £40,000 (katumbas ng higit sa P2.4 milyon).

Sa paglalaro pa lang ng Tetris nagagamit ni Newman ang kanyang bagong gawang supercomputer ngunit hindi lang talaga ito ang pakay niya sa pagbuo ng isang dambuhalang computer.
Isang digital electronics engineer si Newman at gumawa siya ng isang higanteng computer upang maituro sa mga tao kung ano ang nangyayari sa loob ng mga computer na ginagamit natin sa araw-araw.

Sa pamamagitan ng libu-libong LED lights ay makikita mismo ang paglalakbay ng impormasyon sa loob ng computer at sa tulong nito ay mabilis na maiintidihan ng mga tao kung paano ba talaga gumagana ang mga computer.

Hindi na umaasa si Newman na maibebenta niya ang kanyang dambuhalang computer kaya ang pangarap na lang niya para rito ay ang mapunta ito sa isang museo para maraming tao ang matuto mula sa kanyang likha.

(Philstar)

Post a Comment

 
Top